Ipinagdiriwang ng mga estudyante ng Trinity Christian School ang Buwan ng Wika na may temang “Filipino: Wikang Mapaglaya” nitong buwan ng Agosto, 2024.

Ang lahat ng mga estudyante mula preschool hanggang hayskul ay may mga sariling petsa ng mga kaganapan.

Ipinamalas ng mga estudyante ng tatlong departamento ang kanilang galing sa pagsayaw at pag-awit ng mga tradisyunal na mga sayaw at kantang Pilipino. Saksi ang mga bisita, mga guro at mga magulang sa galing ng mga Trinitarians habang sinasalamin ng pagtatanghal ang mayamang kultura ng bansa.

Napuno ng masasayang ingay, galak at tuwa ang buong eskwelahan habang ang mga estudyante ay naglalaro ng iba’t-ibang larong Pilipino kagaya ng habulan ng manok, sack race, sipa, hilahan ng lubid, palo sebo at iba pa.

Nagpakitang gilas naman ang mga estudyante sa pagrampa ng mga kasuotang Pilipino na nagsasalamin kung gaano ka ganda at malikhain ang mga ternong Filipiniana.

Ang mga mag-aaral naman sa preschool at elementarya ay nagpakita ng kanilang galing sa pagsayaw at pag-awit, suot ang kanilang mga makukulay na mga damit filipiniana, habang kinagigiliwan naman ng mga hayskul ang pagrampa ng kanilang magagandang terno.

Hindi mawawala sa selebrasyon ang mga masasarap na pagkaing Pilipino na dinala at pinagsaluhan ng lahat.

Ang mga pagdiriwang na mga ito ay nagsasalamin ng kahalagahan ng ating kulturang Pilipino. Ang ating sariling wikang Pilipino ay s’yang nagbubuklod sa atin bilang mga Pilipino at dahil sa ating sariling wika, may pagkakaintindihan at pagkakaunawaan.