Makukulay na laro at malikhaing pagtatanghal ang bumida sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Bacolod Trinity Christian School, Inc. na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”  

Ang bawat departamento ay may kanya-kanyang selebrasyon na sinalihan ng mga mag-aaral. Ang pagdiriwang ay ginanap noong ika- 28- 29 ng Agosto 2025 sa Uy Soon Teck Hall at Grace Activity Center.

Ipinamalas ng mga mag-aaral sa high school at elementary ang kanilang kasiglahan at husay sa Laro ng Lahi. Tampok dito ang mga tradisyunal na palaro tulad ng kadang, patintero, food relay, at quiz bee, kung saan namayani ang koordinasyon, bilis, at talino ng bawat kalahok.

Ang mga mag -aaral sa preschool at elementarya ay nagpakitang gilas sa kanilang talento sa pag-awit, pagtula at pagsayaw. Nagpasiklaban din sila sa kanilang kasuutang Pilipino.

Samantala, naging makulay na entablado ang pagpapakita ng talento at pagkamalikhain ng mga mag-aaral sa high school sa kanilang ipinamalas na husay sa pagsulat ng tula, masining na pagbigkas at pagpapahayag ng damdamin, malikhaing presentasyon, at paggawa ng disenyo ng kasuotan.

Nagbigay-kulay sa programa ang hugot poetry, kung saan ipinakita ng mga kalahok ang husay sa pagsulat at pagsasalita mula sa puso; ang paghahabi ng mga kasuotan mula sa pagre-recycle, na nagpakita ng pagsasanib ng tradisyon at makabagong sining; at ang Pinoy pop dance, kung saan ipinamalas ng mga mag-aaral ang isang makapangyarihang pagtatanghal na puno ng matitinding galaw, wastong tiyempo, at sabayang pagkilos.

Sa kabuuan, ang pagdiriwang ay hindi lamang nagbibigay-aliw kundi nagsilbi ring paalala sa kahalagahan ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang haligi ng pagkakaisa at identidad ng bansa.

Isinulat ni Victor Eli Oreiro